Kung sinunod mo na ang lahat ng payo sa seksiyong ito at hindi mo pa rin mapagbuhol ang iyong pisi, may iba ka pang magagawa para makaahon sa utang. Hanggang maari, ayaw ng mga respetableng kreditor na ipasa ang pasingil sa iyong utang sa mga kolektor. Mas gusto nilang direktang makipag-usap sa iyo. Kung hindi mo kayang magbayad, tawagan ang iyong mga kreditor bago sila ang tumawag sa iyo. Matutuwang makausap ka ng iyong kompanya ng kredit kard. Posibleng maisaayos ang isang plano sa pagbabayad na mas mainam para sa iyo.

Makipagtulungan sa iyong mga kreditor
Huwag matakot makipagtulungan sa iyong mga kreditor sa paggawa ng paraan para makabayad ka ng utang. Mag-isip ka ng isang planong maipiprisenta sa kanila. Posibleng gusto mong maghulog ng magkakapantay na halaga buwanan sa bawat kreditor, o maghulog nang mas malaki sa kreditor na nagbibigay ng pinakamataas na patubo.

Ang unang hakbang ay tawagan ang bawat kreditor. Sabihin mo sa kanilang gusto mo silang bayaran nang buo pero kailangan mo ng dagdag na panahon para makabayad. Ipaliwanag mo ang iyong problema. Ipabatid mo sa kanila na gumagawa ka na ng mga paraan para mabawasan ang iyong paggastos. Iprisenta ang iyong plano at hingin ang kanilang pakikiisa.

Makikita mo na tutulungan ka ng marami sa inyong mga kreditor. Gusto nilang makasingil, kaya makikipagtulungan sila sa sinumang nais talagang makapagbayad ng utang. Para maging opisyal, padalhan mo ang bawat kreditor ng liham na may detalye ng inyong pinag-usapan. Kung kaya mo, maglakip ka ng isang hulog sa iyong liham. Kahit ang isang munting hulog ay magpapakita na seryoso ka sa pagbabayad nang buo sa iyong utang.

Hindi lahat ng kreditor ay sasagot sa tawag mo, pero magsumigasig ka. Huwag maging emosyonal. Gamitin ang isip at ang katwiran. Maging handa sa kompromiso.

Mga paraan sa pagbabawas ng utang
Ang mga lehitimong pagsasaayos ng utang ay karaniwang nangangahulugan ng pagbabago sa iskedyul ng pagbabayad. Puwedeng ialok sa iyo ng mga kreditor ang isa sa mga sumusunod:

Ekstensiyon sa pautang o kredit kard: Nagbibigay ito ng dagdag na 30 o 60 araw para tupdin ang kailangang pagbabayad. May mga kreditor na hindi humihingi ng anumang pagbabayad sa loob ng naturang panahon, may ibang puwedeng manghingi ng bahagi ng dapat bayaran o hingan kang magbayad ng patubo o mga singil sa serbisyo.

Pagrebisa sa pautang o kredit kard: Posibleng pumayag ang kreditor na babaan ang iyong mga bayad buwanan sa pamamagitan ng pagpapahaba sa kondisyon ng iyong pautang. Puwedeng magbayad ka ng mas mataas na patubo, pero natutulungan ka ng mas mababang bayad para makabayad sa takdang panahon.

Bagong financing sa pautang: Ang pautang na may bagong financing ay isang bagong pautang. Hindi ito rebisyon lamang. Ang bagong pautang ay may bagong iskedyul ng pagbabayad at bagong porsiyento ng patubo alinsunod sa kasalukuyang mga porsiyento ng patubo.

Konsolidasyon ng pautang: Isang bagong pautang ito na inayos para mabayaran ang ilang kasalukuyang di nababayarang utang. Ang bagong bayad buwanan ay mas mababa sa kabuuang halagang kasalukuyang binabayaran mo ng buwanan, dahil mas mahaba na ang panahon ng iyong pagbabayad. Nakatutulong ang isang konsolidadong pautang sa problema ng pagbabayad bago ka maging delingkuwente. Pero magiging problema ito kung maniniwala ka na may karagdagang pera ka ngayon para umako ng bagong utang.

Prendang bahay sa pautang o kredit line: Kung may sarili kang bahay, puwede kang bigyan ng kreditor ng kredit line o pautang katapat ng prenda mong bahay. Karaniwang mas mababa ang porsiyento ng patubo nito at puwedeng ibawas sa tax ang patubo. Pero mag-ingat ka – kapag mas nabaon ka sa utang, baka mawalan ka ng bahay.


 
Citibank.com